May Tiktik sa Bubong, May Sigbin sa Silong: Antolohiya
Allan Derain, Patnugot.
Disenyo ng Pabalat: Julz E. Riddle.
Lungsod Quezon: Ateneo de Manila University, 2017.
308 pahina. P425.00.
Hindi ito rebyu. Higit na isang pag-e-endorso. Dahil kaligayahan at karangalan ang maging kontribyutor dito, kasama sina: Alvin Yapan, Julian Hangin Guieb, Edgar Calabia Samar, Rogelio Braga, Marco V. Lopez, Chuckberry J. Pascual, Allan Popa, Frank Cimatu, Eli Rueda Guieb III, Christoffer Mitch C. Cerda, Larisse Mondok, Gigi Constantino (may guhit ni Ara Villena), Julz Riddle, Mark Angeles, Rowena Festin, Mayette Bayuga, si Allan Derain mismo, at ang akda ng mga yumaong sina Carlos Arejola, Nick Joaquin, at Severino Reyes (Lola Basyang).
Maliban, at higit pa sa kahanay na mga kontribyutor, isang modelo ang antolohiya sa kung paano – dapat, sa aking paniniwala – gumawa ng isang antolohiya: historikal. Kaya rin, napapanahon. At napapakita nito ang pagiging timeless at unibersal. Ito ang isa sa mga nagawa ni Derain. Bulas nga sa blurb ni Gilda Cordero Fernando: “Fantastic research!”
Hindi lamang kontemporaryong aswang si Derain, isa siyang monghe sa kanyang iskolarsyip, panulat, at guhit, sa panahon na talamak ang pagsasa-antolohiya sa tinataguriang “hot” at/dahil “profitable” na mga tema tulad ng extra-judicial killing, Marcos, Duterte, at, oo, ang mga aswang, bampira,duwende, tikbalang, tiyanak dahil, hello, Vampire Diaries, Stranger Things…
Sinikap kong lagumin ang antolohiya. Ngunit higit na malinaw at epektibo ang sipi na ito:
“Crime reportage ni Nick Joaquin sa magkakapatid na minasaker ng sariling mga magulang dahil sa paniniwalang aswang ang mga ito. Mga bahagi ng memoir ng CIA agent na nagsasalaysay sa kung paanong ginamit ang aswang sa isang operasyon laban sa mga Huk. Kuwentong aswang ni Lola Basyang pero magdalawang isip muna bago ikuwento sa mga bata. Mga siyentistang nakadiskubre sa kung ano talaga ang nasa loob ng mga manananggal na magdudulot ng kanilang pagiging mga manananggal: aswang na may masahistang jowa; aswang na dating miyembro ng CAFGU; fashionistang aswang; pakpak na aswang, at iba pang mga kaaswangan sa indibidwal at kolektibong imahinasyon, Nais suungin ng antolohiya ang sanga-sangang paghihiwalay sa aswang, sa kanyang paglipad at pagtawid sa iba’t ibang mga panahon at espasyo, sa kanyang pagparoo’t parito sa kung saan-saang sulok at tagpo ng kasaysayan.”
Isang kuwento ang kontribusyon ko na may pamagat “Ang Felicidad Project.” Si Felicidad ang pangalan ng aswang sa/ng aking kabataan sa bayan ng Dao (ngayon Tobias Fornier) sa probinsya ng Antique. Sa loob ng mahabang panahon, nabansagan ang aming probinsya bilang lugar ng mga aswang, katulad ng probinsya ng Capiz (na sumubok mag-launch ng “Aswang Festival” ngunit hindi nakalipad dahil tinira ng simbahan sa una pa lang nitong “kakak”; may basa rin dito si Derain sa Introduksiyon) at ng Dueñas, Iloilo, dahil sa notorious na si Tinyente Gimo (dahil oral na kasaysayan, lumalabas din siya bilang si Kapitan Gimo sa ilang versyon). Ginawa siyang panakot sa amin ng matatanda noong dekada otsenta. Sa antolohiya, malalaman ninyo na higit pa sa mga bata ang tinakot ng kuwento tungkol kay Kapitan/Tinyente Gimo.
Naniniwala ba ako na may aswang nga? Isang sagot ang “Ang Felicidad Project” sa sarili kong paghahanap ng saysay at kahulugan sa naging stigma ng bansag na “aswang” para sa aming mga taga-Antique. Halimbawa, sa alingawngaw ng mga komento katulad nito: “Taga-Antique ka? Di ba maraming aswang doon?” Sa iba’t ibang kuwento ng mga kababayang kasambahay sa siyudad na pinagdudahang “aswang” nga dahil galing Antique, o hindi natanggap sa trabaho dahil “baka aswang” dahil taga-Antique. Isa ring komentaryo ang kuwento sa appropriation ng mga mitikal na karakter tulad ng aswang, hal. sa industriya ng gaming. O marahil, sa mga posibilidad ng paglagpas at pagwasak.
Narito ang basa ni Derain sa “Ang Felicidad Project”:
“Malikhaing paglalaro o paglalaro sa pagkamalikhain, o mas tiyak sabihing isang game app ang naging tugon ng magsing-irog. Ang sabay nilang pag-aabang sa hatching ng Screaming Uwak. Na kalaunan sa gitna ng ating pagbabasa ay maaari ding maging isang aswang dahil kinakain nito ang realidad sa buong naratibo. Sa dulo, mapapaisip tayo kung alin na rito ang tunay at simulated. Nasaan na rito ang totoo? Ang ‘pangga’ ban a tinutukoy na naging kaeskwela sa lit class, totoo pa rin ba ito? At si Felicidad? Okasyon lang ba siya ng tauhan para maging lunsaran ng desinyo para sa isang laro? Paano nagiging aswang ang aswang sa isang hyperrealist na pagsasamundo kung saan maging ang aswang ay nilalamon ng sariling espasyo?” (5)
Kung gusto mong matakot at mamangha, para sa iyo ang antolohiya na ito. Higit sa lahat, kung gusto mo ng inspirasyon. Wala akong duda na mauunawaan mo ako sakaling mapasa-kamay mo na ito.
Maligayang pagbasa!
The post Narito na ang “May Tiktik sa Bubong, May Sigbin sa Silong”: Saludo sa Salubong appeared first on Balay Sugidanun.